Lumang tugtugin na sa isang estudyante ang pagdaing dahil sa kakulangan sa tulog. Kaya't bawat kudlit ng orasan na maaaring ilaan sa pagtulog ay iniingat-ingatan. Tila mga multong gutom sa tulog. Ngunit sa nakalipas na dalawang gabi (at idagdag pa ang gabi ngayon), napagtaniman yata ako ng galit ng diyos ng mga antok. Hindi ko alam kung Insomnia ito, o talagang may mali lamang sa sistema ko.
Sabado nang gabi, buwena mano ng taon, sinubok kong ibalik sa normal na ayos ang aking pagtulog. 10:30pm pa lamang nang humilata na ako sa SOFA (minabuti kong sa sofa matulog nang hindi makapaglikot gaano). Sinuwerte naman at dinapuan agad ako ng antok. Ngunit lumipad na naman ito papalayo nang sumapit ang ala-una nang madaling araw. Pinagpasensyahan ko hanggang alas quatro.
Linggo nang gabi, minabuti kong paunti-unting isaayos ang pagtulog ko. 12am na nang napagdesisyunan kong mahiga sa kama. 12... 1... 2... 2:30am na ako nahimlay sa pagtulog. DALAWANG ORAS akong paikot-ikot sa kama. Napagtripan na ang aso ko sa pagkamot ng tiyan niya habang nakahiga sa sarili niyang unan sa aking tabi (mabuti nang may makinabang sa hindi ko pagtulog).
Lunes nang gabi. 1am nahiga sa kama dahil naisipang hindi pa rin akma ang matulog na kasing-aga ng alas-dose. mag-aalas-tres na ngayon. Pinipilit magpaantok. Masakit na ang batok... -___-
Hindi ito normal. Kung alam niyo lang ang pagkahilig ko sa tulog at antok...
No comments:
Post a Comment