Saturday, January 1, 2011

Nyuyir's Resolusyon

Bago pa man ako magsimula sa mga araling-bahay na ibinigay sa amin bago ang panandaliang bakasyon, nais kong sumulat tungkol sa isa sa aking mga naisipang pagbabago ngayong bagong taon, o iyong tinatawag na New Year's Resolution. At upang magkaroon kayo ng ideya kung ano iyon, wari'y pakinggan ang susunod na kanta:



Kung nahulaan ninyo ang aking resolution, bravo! :)) Nais kong gamitin ang wikang Filipino/Tagalog nang madalas sa darating na taon. Naikuwento ko na ito sa isa sa aking mga kaibigan, na tila napapansin ko ang dalas ng aking pagsasalita sa wikang Ingles, dala na rin siguro ng aking mga kaklase sa Ateneo na hindi gaanong bihasa sa pagsasalita sa wikang Tagalog [hi mon and myles :)].

Ito ay hindi dahil pakiramdam ko'y dalubhasa na ako sa paggamit ng wikang Ingles (dahil malayo pa ako roon) kundi dahil tila nahihirapan na ako sa paggamit ng wikang Tagalog sa pormal na pagsulat. Madali lamang gamitin ang katutubong wika sa kumbesasyonal na pananalita, ngunit sa tuwing kinakailangang gumawa ng sanaysay sa Fil14, nawawala na ata ang karunungan ko rito (at aaminin kong kaakibat ko sa pagsulat ng blog na ito ang Google Translate). At hindi ko naman hahayaang tuwing Fil14 lamang ako magtatagalog dahil huling klase na namin ng Filipino ito.

Kaya't susubukan ko ngayong taon (at hindi ko ipinangangako) na higit na dalasan ang pagsulat sa katutubong wika. Napamahal na rin ako sa paggamit nito buhat ng aking magagaling na guro sa Filipino kahit noong nasa mataas na paaralan pa lamang ako. Sina Gng. Becky, G. Martin, G. Allan, at G. JM, malaki ang pasasalamat ko sa inyo.

Sa mga minamahal kong guro (patawarin ninyo sana ako sa paggamit ng inyong mga litrato) sa kolehiyo na sina:


Dr. Alvin Yapan [na talagang ginulo ang takbo ng isip namin sa kaniyang nakababaliw na mga aralin, ang mga plug-and-socket ideas chuchu sa postmodernismo, ang lahat ng mga teoryang lumusaw sa aming mga paniniwala; ginusto kong maging guro dahil sa kaniya, at dahil iniidolo ko siya dahil sa kaniyang mga obrang pelikula],


G. Jethro Tenorio [na hindi ko malilimutan dahil sa pagtutuwid ng aming mga baluktot na Balarila sa pamantasang antas (babawasan ng puntos ang gagamit ng salitang ay, lang, mas, para imbis na upang, at kung anu-ano pa!); hinding hindi ko kalilimutan ang kandutdot at laykotitap years natin, at para sa paborito kong guro, si Jethro... :))] at


G. Ariel Diccion at ang kaniyang batak na katawan [na kahit wala pa sa kalahati ng semestre ang lumipas, pinasakit ang aming mga tiyan sa pagtawa at hindi hinayaang mainip kami sa klase (magkaibigang tunay nga sila ni G. Tenorio); sana'y may mapatunayan din ang klase namin sa inyo ngayon semestre :)],

Ipinamukha ninyo sa akin, sa amin na napakarami pa ng dapat matutunan tungkol sa ating bansa at sa ating wika. Masasabi ko sa aking sarili na isa ako sa mga pinalad pagdating sa mga nakuhang guro sa Fil (at pre-enlisted pa ang klaseng ito; sino pa ang "higit na" susuwertehin pa kaysa sa amin? hahaha). Hindi ko sasayangin ang lahat ng itinuro ninyo sa amin. :)


New Year's resolution: wala. i'm perfect the way i am. B-) =))))) joke lang.
Friday at 2:00pm ·  ·  · 

1 comment:

  1. gusto ko ito!!! haha goodluck! magaling ka naman e.che

    ReplyDelete